Mahaharap sa mabigat na parusa ang sinumang mapapatunayan na nagsagawa o sangkot sa “prank call” sa lahat ng “national emergency hotlines.”
Tinukoy sa House Bill 10706 o “Anti-Prank Caller Act” na inihain ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan III na nakakaabala at nakakaalarma ang dami ng prank calls, lalo’t malalagay sa alanganin ang buhay ng mga tao nang dahil sa mga ganitong uri ng panloloko.
Sa panukala, binanggit na aabot sa 2.54 million na “fraudulent o prank calls” ang natanggap ng Emergency Hotline 911 noong 2019.
At sa naturang taon, mula sa 18.4 million na mga tawag ay tanging 37,440 ang lehitimo habang 16,763 ay pawang non-emergency.
Kabilang sa mga parusa sa panukala ay “arresto menor” o kulong na 1 hanggang 30-araw at multang P5,000 sa unang paglabag, at “arresto mayor” o kulong na 1-buwan at 1-araw hanggang 6-buwan at multang P15,000 sa ikalawang beses na paglabag.
Samantala, para sa ikatlong beses na paglabag, “prision correctional” o 6-buwan at 1-araw hanggang 6-taon na kulong at multang P30,000 habang “prision mayor” o pagkabilanggo ng 6-taon at 1-araw hanggang 12-taon, at multang P50,000 kapag pangapat na beses na paglabag.