Mga matataas na opisyal ng administrasyong Duterte, hindi sinipot ang pagdinig ng Kamara ukol sa umano’y Gentleman’s Agreement ni dating PRRD at Chinese President Xi Jinping

Umarangkada na ang magkatuwang na imbetigasyon ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on the West Philippine Sea ukol sa umano’y Gentleman’s Agreement sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte kasama si Chinese President Xi Jin Ping kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa pagdinig ay nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kongresista sa hindi pagsipot ng mga inimbitahang matataas na opisyal ng Duterte administration.

Pangunahin dito sina dating Defense Sec. Delfin Lorenzana, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, at dating Executive Secretary Salvador Medialdea na nagpadala lamang ng kinatawan.


Giit nina Representatives Jefferson Khonghun ng Zambales, Arnan Panaligan ng Oriental Mindoro, France Castro ng ACT Teachers Party-list at Johnny Pimentel ng Surigao del Sur, mahalaga ang kanilang presensya sa pagdinig dahil sila lang ang makakapagbigay ng katotohanan ukol sa umano’y secret deal ni Duterte sa China.

Sa hearing ay nanindigan naman ang mga kinatawan ng mga kinauukulang ahensya na hindi nila alam at wala silang nakita o walang naisumite sa kanila na anumang dokumentong magpapatunay sa kontrobersyal na Gentleman’s Agreement.

Kabilang sa mga ahensya ito na lumalahok ngayon sa pagdinig ng Kamara ang Department of Foreign Affairs, Department of National Defense, National Security Council, Philippine Coast Guard, Department of Justice, at Armed Forces of the Philippines

Facebook Comments