Umapela si Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maisama sa COVID-19 vaccination program ang mga nasa lansangan.
Partikular na ipinasasama sa vaccine rollout ang mga nakatira sa kalsada lalo na ang mga matatanda at mga nanlilimos.
Tinukoy ni Taduran na walang kakayahan ang mga ito na magparehistro sa internet o magtungo sa Local Government Unit (LGU) offices o barangay para magpalista at magpabakuna.
Giit ng kongresista, dapat nga ay kasama sa priority list ang mga matatanda sa lansangan kaya’t nagtataka siya bakit nauuna pa mabakunahan ang hindi matanda, hindi health worker at walang comorbidity.
Ang mga matatanda sa lansangan ay nangangailangan agad ng bakuna dahil ang mga ito ay “vulnerable”, madaling mahawaan at posibleng carrier ng virus.
Punto pa ni Taduran, hindi makakamit ang “herd immunity” kung maiiwan sa bakunahan ang mga taong nasa lansangan.