Sa kabila ng pagkaka-lockdown, pinapayagan pa din bumalik ang mga may-ari at tindera sa kani-kanilang pwesto sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila.
Ito’y para magkaroon ng pagkakataon ang mga ito na makapaghakot ng mga natitira nilang paninda upang hindi masayang o masira.
Kinakailangan lamang na nakasuot ng face mask at gloves ang mga tindera para sila ay makapaghakot kung saan limitado lang din ang kanilang oras.
Matatandaan na napagdesisyunan i-lockdown pa ang Trabajo Market makaraang magpositibo sa Coronavirus Disease o COVID-19 ang isang tindera.
Isinasailalim na sa disinfection ang Trabajo Market at wala pa rin kasiguraduhan kung kailan ito mulingbubuksan kaya’t napipilitang dumadayo sa ibang palengke ang mga residente para makabili ng kanilang pangangailangan.
Pinag-aaralan naman ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila kung anong dapat nilang gawing hakbang para hindi na magtungo pa sa ibang palengke ang mga residente lalo na’t iniiwasan nila na mapuno ng tao ang mga pamilihan dahil na din sa ipinapatupad na physical distancing para hindi mahawaan ng COVID-19.