Pinatututukan ni Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor sa Department of Health (DOH) ang mga may sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Tuberculosis (TB).
Paliwanag ni Defensor, tulad ng ibang may existing na sakit ay vulnerable rin sa coronavirus ang mga may HIV at TB.
Ayon kay Defensor, nakakabahala na sa gitna ng bagong strain ng coronavirus ay marami sa mga Pilipino ang hindi bukas para sa pagpapakonsulta sa mga doktor lalo na ang mga may HIV na maituturing na mas delikado para sa kalusugan.
Pinatitiyak ni Defensor sa DOH na panatilihing nakabukas ang 156 HIV outpatient centers nang sa gayon ay tuluy-tuloy pa rin ang treatment at makakakuha pa rin ng libreng suplay ng antiretroviral medicines ang mga pasyente gayundin ang ibang nais magpakonsulta.
Bukod dito, ang mga na-diagnosed naman na may TB ay pinasisiguro sa DOH na nabibigyan ng sapat at tuluy-tuloy na gamutan.
Sa tala ng National HIV/AIDS Registry, aabot sa 71,778 ang HIV cases kung saan 41,468 o 58% ay sumasailalim sa treatment habang 3,617 o 5% HIV cases ang nasawi na.
Ang Pilipinas naman ay ikatlo sa buong mundo na may pinakamataas na kaso ng TB at inaasahang tataas pa sa 2.5 million cases ang kaso hanggang 2022.