Mismong narinig ng mga mayor at mga gobernador ang mahigpit na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pulong na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, pinagsabihan ng punong ehekutibo ang mga government officials na magagawa lamang nilang proteksyunan ang kanilang mga mamamayang nasasakupan kung sila mismo ay hindi magpapasaklot sa operasyon ng illegal drugs.
Pinaalalahanan din ng pangulo ang mga opisyales na huwag magbigay ng anumang suporta sa New People’s Army.
Gusto ni pangulong Duterte na gamitin ng mga lokal na opisyales ang lahat ng mekanismo ng gobyerno katulad ng Emergency 911 at Hotline 8888 para sugpuin ang illegal drugs at banta ng communist terrorism.
Kasabay nito, itinaas ni Duterte sa P2-million ang pabuya para sa agarang ikadarakip ng mga miyembro ng NPA na brutal na pumatay sa apat na police officers sa Ayungon, Negros Oriental.
Magiging mahigpit ang DILG kasabay ng pagpapatupad ng batas para mapaluwag ang mga kalsada sa metro manila sa pamamagitan ng pagtatanggal ng obstruction tulad ng ilegal terminal, vendors mga kainan at iba pa.
Ayon kay DILG Usec. Epimaco Densing matapos ang meeting ay magtatalaga sila ng mga Usec. at Asec. ng DILG sa kada syudad para lubos na matutukan ang pag-aksyon ng mga local chief executive na may palugit na 60 araw.
Sa ngayon, binabalangkas palang ang m of a. na posibleng matapos sa susunod na linggo
Aalamin ang sitwasyon sa kada barangay, tutukuyin kung saan ang mga bara at pati na rin ang mga hakbang para ito ay masolusyonan.
Kasabay nito, kapag pumalpak ang mayor at punong barangay ay asahan na mabilis nang maproproseso ang dismisal para sa kanila.
Samantala, nilinaw ni Densing na hindi anti-poor ang paglilinis sa kalsada dahil walang tinitingnang estado sa buhay ang pagpapatupad ng batas.