Nakahanap ng kakampi kina Senators Francis Tolentino at Koko Pimentel ang mga alkalde at opisyal ng barangay na nagpabakuna agad laban sa COVID-19 kahit hindi sila kasama sa priority list.
Giit ni Tolentino sa Inter-Agency Task Force (IATF), dapat sa una pa lang ay inihanay na ang local chief executives bilang frontliners dahil kasama sila sa pangunahing tumutugon sa pandemya.
Paliwanag ni Tolentino, maituturing ang mga itong De Facto Health Workers dahil sila ang namamahala sa isyung pangkalusugan sa kanilang nasasakupan bukod sa kanilang tungkuling itinatakda ng Local Government Code na tiyaking mabuti ang kalagayan ng publiko.
Pinaparepaso naman ni Sen. Koko Pimentel sa Department of Health (DOH), IATF at National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang listahan ng mga dapat iprayoridad sa COVID-19 vaccine.
Mungkahi ni Pimentel, isama sa priority list ang mga governor, mayor, at barangay chairman bilang “multi-dimensional frontliners” dahil sa araw-araw ay sila ang inihaharap ng gobyerno.
Diin ni Pimentel, ngayong nasa krisis pangkalusugan ang buong pamahalaan ay gumaganap din ang local chief executives bilang “health frontliners.”
Dahil dito ay iginiit ni Pimentel na dapat din silang pahalagahan, iprayoridad at bigyan ng kalayaang gumalaw para sa laban kontra COVID-19.