Inihayag ngayon ni PCSO Director Sandra Cam na aalisin na niya bilang mga respondent ang tatlong miyembro ng media na una na niyang sinampahan ng kaso kasunod ng pagdawit sa kanyang pangalan na nasa likod umano ng pagpatay sa vice mayor ng Masbate.
Sa ginanap na forum sa Fernandina sa Club Filipino San Juan sinabi ni Cam na ito ang unang hakhang na gagawin ng kanyang kampo sa sandaling umusad na ang pagdinig sa korte.
Sabi ni Cam ito ay bilang pagrespeto sa kahalagahan ng papel ng media na kanyang nakatulong mula ng magsimula siyang lumutang sa kanyang pagbubunyag ng katiwalian sa gobyerno.
Aniya ang naging papel lamang ng media ay ang isulat kung ano ang binitawang mga pahayag ng asawa ng napatay na Vice Mayor Charlie Yuson.
Matatandaaang una ng binatikos ng National Press Club ang pagsama ni Sandra Cam sa ilang mamahayag sa kasong isinampa nito laban kay Mrs. Lalaine Yuson na nagturo sa kanya bilang umano’y mastermind sa pagpatay sa bise alkalde sa lungsod ng Maynila sa nakalipas na Agosto.