Nagtayo ang Malabon City Health Department ng mga medical station sa ilang pampublikong sementeryo.
Ito’y bilang isa sa kanilang mga prayoridad upang maging ligtas ang bawat isa sa banta ng COVID-19 sa paggunita ng Undas 2022.
Ang mga medical station na ito ay itinayo sa San Bartolome Cemetery, Lourdes Cemetery, Everlasting Peace Cemetery at Tugatog Cemetery.
Ang mga tauhan ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), Mayor’s Complaint and Action Team at Malabon Philippine National Police (PNP) ay magbabantay upang tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko, makontrol ang pagdami ng tao at mapanatili ang mahigipit na seguridad sa bawat lugar.
Paalala ng Malabon Local Government Unit (LGU), sarado pa sa publiko ang Tugatog Cemetery kung saan ang pag-aalay ng bulaklak at kandila sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Ang Red Cross Malabon Chapter ay naglagay rin ng medical station at ambulansya sa Lourdes Cemetery.
May limang ambulansya namang nakahanda ang Malabon DRRMO kung sakaling may emergencies.
Muli ring paalala ng Malabon LGU na sundin ang mga itinakdang oras at petsa ng pagpunta sa mga sementeryo mula ngayong araw hanggang sa ika-2 ng Nobyembre.