Nanindigan ang Department of Health (DOH) na bumubuti na ang sitwasyon ng bansa ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kasunod ito ng pagkwestiyon ng ilang personalidad hinggil sa pagdami ng naitalang new recoveries kahapon na umabot sa higit 38,000.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni DOH Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na dumaan sa validation at reconciliation ang mga datos.
Aniya, dahil karamihan sa mga asymptomatic at mild cases ay naka-self-quarantine o nasa isolation center lang, hindi sila naisama sa bilang ng mga gumaling ‘di gaya ng mga nagpagamot sa ospital kung saan kumukuha ng datos ang DOH.
Dinepensahan din ni Vega ang ipinapatupad ngayon ng DOH na “mass recovery adjustment” kung saan ikokonsidera nang “recovered” ang mga mild at asymptomatic cases na hindi lumala ang kondisyon pagkatapos sumailalim sa 14-day quarantine.
Paliwanag niya, kusang namamatay ang virus at pagsapit sa ika-sampung araw ng quarantine ay hindi na siya makakahawa.
Ibig sabihin ayon kay Vega, kahit walang confirmatory test na nag-negative na sa virus ang isang taong mild o asymptomatic, maaari na siyang lumabas ng bahay basta’t matapos nito ang kanyang 14-day quarantine maliban na lang kung lumala ang nararanasan niyang sintomas.