Mga militanteng grupo, nagkilos protesta sa EDSA Shrine

Bitbit ang kani-kanilang mga plakard na may nakasulat na “Stop Killings” at “Duterte Patalsikin”, sumugod sa EDSA Shrine ang nasa 200 militante para magkilos protesta.

Alas 10:00 ng umaga kanina nagsagawa sila ng programa bilang bahagi ng ika-34 na anibersaryo ng People Power Revolution.

Sigaw ng mga militante, mahigit tatlong dekada na ang nakalipas pero tila nagbabalik na naman ang malagim na kahapon.


Giit nila, laganap na naman ang karahasan at kahirapan sa bansa. Tamalak ang kawalang hustisya at kawalang pananagutan.

Bukod dito, wala rin umanong pag- aalinlangang  binebenta ni Duterte ang Spratly Islands at pinapayagan ang paglaganap ng mga negosyong Tsino na siyang nagpapabagsak sa lokal na industriya.

Samantala, sinabi rin ng mga mangagawa na lumahok sa rally na wala pa ring umento sa sahod ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan mula nang humagupit ang TRAIN Law at lugi na rin ang mga magsasaka ng palay dahil sa Rice Liberalization Law.

Mahigpit naman ang seguridad na ipinatutupad ng mga pulis sa rally.

Facebook Comments