Manila, Philippines – Nagprotesta sa harapan ng Kamara ang ilang human rights defenders.
Ito ay bilang pagtutol sa pagbibigay ng Kamara ng isang-libong pisong budget sa Commission on Human Rights (CHR).
Bitbit ng grupong I-Defend ang mga plakard at banner kung saan nakasulat ang “claim and defend our human rights” at “itigil ang abuso, isulong ang pagbabagong maka-karapatang pantao”.
Anila, nilabag ng Kamara ang konstitusyon at malaking dagok ito sa libu-libong kamag-anak ng mga biktima ng extra judicial killings na umaasa sa tulong ng chr.
Inihambing pa ng grupo ang budget na ibinigay sa CHR at sa Presidential Communication Operations Office kung saan nagtatrabaho si Mocha Uson bilang PCOO Assistant Secretary.
Mas malaki pa raw kasi ang buwanang sweldo ni Uson sa budget na ibinigay sa CHR.
Noong Agosto, inaprubahan ng Kamara ang P1.35 billion na budget para sa PCOO na malayong-malayo sa isang-libong pisong alokasyon sa CHR.
Sa huli, nanawagan sila sa Senado na itama ang anila’y pagkakamaling ito sa bicameral meeting ng Kongreso.