Mga militanteng grupo, tuloy ang planong physical rally sa araw ng SONA ng Pangulo sa kabila ng banta ng DILG

FILE PHOTO

Hindi nagpatinag ang mga militanteng grupo sa banta ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sila ay maaaring maparusahan kapag nagkilos-protesta physically sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa kautusan ni DILG Secretary Eduardo Año na nakapaloob sa IATF Resolution No. 57, dated July 21, sinabihan nito na huwag magbigay ng permit ang mga Local Government Unit (LGU) sa pagsasagawa ng rally para hindi malabag ang mass gathering.

Sa video conference na pinaunlakan ng 17 militanteng grupo, nagkaisa sila na tuloy ang pagkilos at magsasama-sama pa rin sa isasagawang programa sa University Ave. dahil protektado umano ng batas ang kanilang gagawin.


Bwelta pa ni National Union of Peoples’ Lawyer Secretary General Atty. Rey Cortez, walang Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines na poproteka sa law enforcer laban sa criminal and administrative liabilities kapag hinarang ang isasagawang SONA protest sa Lunes.

Paalala ng mga pilitanteng grupo, may mga kasama silang abogado na poprotekta sa kanila kasabay ng pagkilos para hindi malabag ang kanilang karapatan.

Gayunman, sinabi ni Bayan Secretary General Renato Reyes, susunod pa rin sila sa IATF guidelines, magsusuot sila ng face mask at face shield kung saan lalagyan nila ito ng dekorasyon ng kanilang mga hinanaing sa gobyerno.

Sa pagkilos, ipaglalaban nila ang karapatang pang tao at pagtutol sa Anti-Terror law, pagsara ng ABS-CBN, palpak na tugon sa pandemya, krisis sa ekonomiya at kawalan ng soberanya.

Facebook Comments