Manila, Philippines – Hindi na lang pinatulan ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ang mga pangungutya ng iba’t ibang militanteng grupo na sumabay sa kanyang commute challenge kaninang umaga.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi nitong hindi naman nya ikinairita ang pangbu-bully sa kanya ng Anakbayan at Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil dinedma niya lang ang mga ito.
Nanindigan din ang tagapagsalita ng Palasyo na hindi siya late sa pagpasok sa trabaho matapos makarating sa Malakanyang ng 8:46 ng umaga dahil wala aniyang oras ang trabaho ng mga miyembro ng gabinete dahil bente kwatro oras silang naka duty.
Kasunod nito muling iginiit ni Panelo na walang mass transport crisis dahil nakakarating pa ang mga manggagawa sa kanilang trabaho at hindi naman paralisado ang iba’t ibang mode of transportation pero mayroon aniyang traffic crisis na kasalukuyang sinusolusyunan ng Duterte administration.