Mga miyembro ng IATF, pinayuhang mag-usap-usap muna bago magpatupad ng polisiya

Sinita ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pabago-bagong implementasyon ng mga patakaran na may kinalaman sa COVID-19 pandemic response.

Kasunod ito ng panibagong kalituhang idinulot ng “No vax, No ride” Policy ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pasaherong hindi pa bakunado na nakaapekto lalo na sa mga manggagawa.

Payo ng kongresista, mag-usap-usap muna bago ipatupad ang anumang polisiya kaugnay sa pagtugon sa pandemya.


Giit ni Sarmiento, kung may patakaran o guidelines na ilalabas ang DOTr o alinmang ahensya, sana ay nasabihan at sinang-ayunan muna ito ng lahat ng IATF members.

Kapag kasi aniya hindi tama ang mga bibitawang kautusan ay tiyak na maguguluhan ang mga tao at sa bandang huli ay si Pangulong Rodrigo Duterte rin ang paplantsa sa gusot.

Samantala, pabor din ang mambabatas na magkaroon ng vaccination center sa mga terminal at kahalintulad, at kapag bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 ay maibalik na ang mas malaking bahagi ng pampublikong transportasyon dahil kawawa ang mga pasahero.

Facebook Comments