Mga miyembro ng media, walang dapat ikatakot sa Anti-Terror Law

Walang dapat ipangamba ang mga miyembro ng media sa Anti-Terrorism Law.

Giit ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Usec. Joel Egco, wala namang dapat ikatakot ang mga mamamahayag kung hindi sila kasapi o sumusuporta sa anumang teroristang grupo.

Naniniwala rin ang opisyal na hindi minadali ang pagpasa sa batas dahil matagal itong pinag-aralan ng mga legal expert ng pamahalaan.


Bukod dito, abogado rin naman aniya si Pangulong Rodrigo Duterte kaya alam nito ang mga ganitong bagay.

Ayon kay Egco, 24/7 din naman na bukas ang PTFoMS para tulungan ang mga miyembro ng media na makakaranas ng anumang pagbabanta.

“Ang Anti-Terrorism Law po ay produkto ng masusing pag-aaral, masusing deliberasyon, masusing mga diskusyon ng ating mga mambabatas at hanggang bago ito maging batas ay pinag-aralan itong mabuti ng ating legal experts sa gobyerno. ‘Yan ay maraming safety nets para mapangalagaan ang ating mga karapatan at wala tayong dapat ipangamba. Kung wala ka namang kinasasapiang terrorist organization, bakit ka naman matatakot?” ani Egco.

Dagdag pa ni Egco, hindi dapat maniwala ang mga mamamayahag sa mga propaganda na sinisikil ang kanilang press freedom.

Huwag po kayong maniwala sa mga propaganda na sinisikil tayo,mga sinungaling po nagsasabi niyan,” giit ni Egco.

“Dahil ang Reporters Without Borders mismo, ang kanilang data ay malinaw na nagpapakita na kumpara sa nagdaang administrasyon, itong panahon ni Pangulong Duterte ay talaga namang mas improved po ang ating posisyon sa press freedom index yearly. So ‘wag po kayong maniwala, ‘wag kayong magpadala sa galit, ‘wag kayong magpaloko,” dagdag ng opisyal.

Facebook Comments