Nagpulong kagabi sa bahay ni Senator Manny Pacquiao ang mga miyembro ng ruling party PDP-Laban kabilang ang tatlong miyembro na nag-aasam na maging house speaker sa 18th Congress.
Base sa litratong ibinahagi ni PDP-Laban Public Information Committee Chairperson Ron Munsayac, makikitang present si Pacquiao, PDP-Laban President, Senator Koko Pimentel III at speakership aspirants na sina Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, Marinduque Representative Lord Allan Velasco at Pampanga Representative Aurelio Gonzales.
Dumalo rin sa 1-Pacman Representative Eric Pineda.
Sa statement ni Pimentel, inaatas niya kay Pacquiao ang responsibilidad sa pag-anunsyo ng kanilang nominado sa pagka-speaker ng Kamara.
Nararapat lamang na magmula sa PDP-Laban ang susunod na speaker lalo na at ito ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte at may pinakamalaking bloc sa Kongreso.
Bukod kina Alvarez, Velasco at Gonzales, ang iba pang kandidato sa liderato ng Kamara ay sina Leyte Representative Martin Romualdez at Taguig Representative Alan Peter Cayetano.