Handa ang Department of Education (DepEd) na bawiin ang ilang Self-Learning Modules (SLM) depende sa bigat ng errors nito.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, patuloy na nagmo-monitor ang ahensya sa mga naiuulat at naisusumbong na ilang errors sa mga modules na ipinapamahagi sa mga estudyante para sa distance at blended learning.
Sinabi naman ni Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, aabot na sa 41 errors ang kanilang natuklasan sa mga modules; 27 dito ay locally developed errors; 11 ay mula sa unknown sources; at tatlo mula sa Central Office (CO) quality assured modules.
Ang mga naturang errors ay bineripika ng DepEd mula sa factual errors, grammar o syntax.
Bukod dito, nire-review na rin ang mga modules para sa content nito, language, at design o layout.
Lumalabas na mayroong 20 factual errors, pitong computational errors, dalawang format o illustration errors, apat na printing errors, pagkaka-ayos ng mga pahina, spelling, punctuation, tatlong typographical errors, at isang error sa grammar o syntax.
Para mabawasan ang mga mali sa learning modules, inilunsad ng DepEd ang iba’t ibang inisyatibo tulad ng ‘error watch’ sa ilalim ni Undersecretary for Administration Alain Pascua at pagbuo ng joint Central Office-Regional Office-Schools Division Office Technical Working Group (TWG) o SLM Conformance Reviewers.
Sinabi naman ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, mahigpit na ang kanilang pag-review sa mga learning materials at handa nilang iwasto ang mga ito.
Hinimok ng DepEd sa publiko na patuloy na isumbong sa kanila ang mga errors na matatagpuan sa mga learning modules.