Marawi City – Itinuturing na ngayong factory ng bomba ng mga miyembro ng Maute Terrorist Group ang mga Mosque sa Marawi na isang sagradong lugar para sa mga muslim.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Emmanuel Garcia ng Joint task Force Marawi.
Aniya, isa sa patunay na ginagawang pagawaan ng bomba ang mga mosque sa Marawi ay ang pagkakarekober ng mga components ng bomba katulad ng anim na sakong coins sa Batoh mosque na una nang nabawi ng militar sa Maute Group nitong nakalipas na linggo.
Ang coins ay ginagamit sa paggawa ng Improvised Explosive Device.
Sa ngayon aniya naniniwala silang nakakapagpatuloy pa sa paggawa ng bomba ang mga kalabang Maute sa mga mosque na hawak pa rin nila.
Malakas daw kasi ang loob ng Maute na gumawa bomba sa mga mosque dahil hindi ito kasama sa target ng airstrike ng militar.
Hindi naman tinukoy ng opisyal kung ilang mosque pa ang hawak ng Maute upang hindi ito makaapekto sa kanilang operasyon.