Hiniling ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na unahing mabigyan ng booster shots ang mga “most vulnerable” na sektor.
Sa gitna na rin ito ng rekomendasyon ng US-Food and Drug Administration o US-FDA na maaaring mabigyan ng booster jabs ang mga may edad 65 taong gulang pataas.
Ayon kay Ordanes, pabor siya na mabigyan ng booster shot ang mga kabilang sa “high risk” tulad ng A1, A2 at A3.
Partikular na nais unahin na mabigyan ng booster shot ang mga 65 taong gulang pataas, may comorbidities kasama ang mga kabataang may seryosong sakit, at mga health care frontliner na may direct exposure sa ospital, isolation facilities, at temporary care facilities.
Dahil kulang pa rin sa suplay ng bakuna, ang mga kabilang sa A4 o economic frontliners ay kailangang maghintay muna hanggang sa dumami na ang suplay ng booster vaccines o hanggang sa ma-i-isyu na ang Certificate of Product Registration (CPR) sa Pfizer mula sa FDA ng bansa.
Kasabay pa nito ay pinatataasan din ng kongresista ang herd immunity bar sa 90%.
Sa Singapore aniya ay nasimulan na ang pagbibigay ng booster shots kaya’t napag-i-iwanan na naman ang Pilipinas sa pagkamit ng herd immunity.