MGA MOTORBOAT DRIVER SA DAGUPAN CITY, NAGDAGDAG NG PASAHERO SA KADA BYAHE DAHIL SA PAGTAAS NG PRESYO NG KRUDO

Dumidiskarte ngayon ang mga motorboat driver sa Dagupan City upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Mula sa dating sampung pasahero, umaabot na ngayon sa labindalawang katao ang isinasakay sa bawat biyahe, kabilang ang mga estudyante at regular na pasahero.

Ayon sa mga drayber, napilitan silang magdagdag ng pasahero dahil wala pang abiso ng pagtaas ng pamasahe.

Nananatili pa rin sa 15 pesos ang pamasahe ng estudyante at 25 pesos para sa regular na pasahero.

Dahil dito, umaabot na sa humigit-kumulang 300 pesos ang kita kada byahe, kung ikukumpara sa dating 250 pesos lamang.

Tumatagal ng halos 30 minuto ang bawat biyahe mula Barangay Salapingao hanggang Barangay Magsaysay, na nagsisimula alas-singko ng umaga at natatapos hanggang alas-otso ng gabi.

Hinaing ng mga motorboat driver, malaking epekto sa kanilang kabuhayan ang pagtaas ng presyo ng krudo at umaasa silang bababa ang presyo ng gasolina upang gumaan ang kanilang gastusin sa araw-araw na pasada.

Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin ang mga drayber dahil marami pa rin silang pasahero, lalo na ang mga nagtatrabaho at nag-aaral sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments