Nakikipag-ugnayan na ang Land Transportation Office (LTO) sa Philippine National Police (PNP) at iba pang sangay ng pamahalaan para protektahan ang publiko laban sa ilang grupo na gumagamit sa ahensya sa iligal na money-making scheme.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na inalarma na rin nila ang mga online payment partners nito upang palakasin ang pagtutulungan sa pagprotekta sa mga kliyente ng LTO.
Inilabas ni Mendoza ang babala sa gitna ng paglaganap ng phishing scam na ginagawa ng mga nagpapanggap na mga tauhan ng LTO.
Modus ng mga scammers na magpadala ng mga text messages na nagsasabing may mga traffic violation ang target na biktima.
Ang parehong text message ay naglalaman ng isang link sa di-umano’y LTO website at kapag ang lahat ng mga detalye ay naipasok na sa mga pekeng website, ang pagpili ng opsyon sa pagbabayad ay magre-redirect sa user sa isang pekeng login page na idinisenyo upang nakawin ang impormasyon mula sa mga user.
Pinayuhan ni Asec. Mendoza ang publiko na direktang makipag-ugnayan sa tanggapan ng LTO kung makakatanggap sila ng ganitong mga text message para sa tamang aksyon at upang matiyak na hindi sila mabibiktima.