Mga motorista na hindi makatutugon sa deadline ng pagkuha ng RFID, hindi muna pagmumultahin

Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na hindi muna pagmumultahin ang mga motoristang dadaan sa mga expressways ng walang RFID sticker ang sasakyan.

Sinabi ito ng DOTr sa pamamagitan ni Senator Grace Poe na siyang nagdedepensa sa pondo ng ahensya sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 national budget.

Tugon ito ng DOTr sa tanong ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kung ngayong kapaskuhan ay hindi muna magpapatupad ng penalty para sa mga wala pang RFID ang sasakyan.


Samantala, inihayag naman ni Senator Poe na sa June 2021 pa maaaring maging seamless ang inter-operability ng dalawang provider ng RFID sa major expressways sa Luzon dahil mag-uusap pa ang mga operators nito na MVP Group at San Miguel Group.

Iminungkahi naman ng mga Senador na huwag alisin ang cash transaction booths para sa posibilidad na magkaroon ng aberya ang cashless counters.

Binanggit din ni Poe na ang P145 bilyon na proposed budget sa DOTr para sa susunod na taon ay ipababa nila sa P109.88 bilyon dahil sa record ng undespending nito o hindi nasasagad na paggamit sa taunang pondo.

Facebook Comments