MGA MSME SA PANGASINAN, HINIMOK NA MAKILAHOK SA 2026 REGIONAL SCIENCE, TECHNOLOGY, AND INNOVATION WEEK

Hinimok ang mga micro, small, and medium enterprises o MSME sa Pangasinan na makilahok sa 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week na gaganapin mula Pebrero 16 hanggang 18 sa Dagupan City.

Ang aktibidad ay pangungunahan ng Department of Science and Technology Region I katuwang ang Department of Trade and Industry Region I, tampok ang Technology Exhibits and Pitching Event para sa mga MSME.

Layon ng tatlong araw na pagdiriwang na maipakita ang mga makabagong teknolohiya at inobasyon na maaaring gamitin sa pagpapalakas ng mga lokal na negosyo.

Bahagi ng programa ang dalawang plenary session na nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga MSME.

Tatalakayin sa unang sesyon ang gender-responsive at inclusive innovation bilang daan sa mas malawak na pag-unlad ng industriya.

Sa ikalawang sesyon naman, ipakikilala ang mga digital transformation at smart manufacturing tools tulad ng Internet of Things, artificial intelligence, robotics, at automation sa ilalim ng isang programang inilaan para sa mga negosyo.

Inaasahan na sa pamamagitan ng pakikilahok sa aktibidad, mas mapapalawak ang kaalaman ng mga MSME sa makabagong teknolohiya na makatutulong sa pagpapahusay ng kanilang operasyon at pagiging kompetitibo sa merkado. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments