Mga mungkahi ni VP Robredo sa COVID-19 response, ginagawa na ng pamahalaan

Ginagawa na ng pamahalaan ang mga suhestyon ni Vice President Leni Robredo para mapabuti ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Matatandaang iminungkahi ni Robredo ang pagkakaroon ng maaasahang datos, mabilis na paglalabas ng test results, napapanahong contact tracing, at communications campaign.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang Department of Health (DOH) ay nagsasagawa ng validation sa lahat ng isinusumiteng datos sa COVID-19 cases 24-oras bago ito ilathala.


Ang pamahalaan ay araw-araw nagsasagawa ng COVID-19 briefings at bukas ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga pananaw at opinyon ng academic experts.

Dagdag pa ni Roque, bumuti ang turnaround time para sa COVID-19 test mula sa dalawang linggo nitong Marso patungong 42 hanggang 72 oras.

Wala namang ibinigay na direktang sagot si Roque sa mungkahi ni Robredo na magbigay ng temporary shelters para sa Locally Stranded Individuals (LSIs) kung saan nasusunod ang physical distancing at pagbibigay sa mga ito ng libreng RT-PCR test.

Hindi rin aasa ang pamahalaan sa online learning sa paghahatid ng aralin sa mga estudyante.

Gayumpaman, nagpapasalamat ang Palasyo kay Robredo sa pagsuporta sa Plant, Plant, Plant program para matiyak ang food security sa bawat Pilipino.

Facebook Comments