Mga Muslim leader, inihirit ang extension ng Bangsamoro Transition Authority

Nagtipun-tipon din ang mga Muslim leader sa Quezon City para ipanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig sa R.A. 11054 o Bangsamoro Transition Authority (BTA). Kasabay ito ng huling State of the Nation Address (SONA) ng pangulo mamayang hapon.

Ayon kay Moro Ako President Atty. Najib Taib, naniniwala sila na hindi pa huli na maipaabot ang kanilang apela kay Pangulong Duterte na bago bumaba sa puwesto ay masertipikahang urgent ang pagpapalawig ng BTA.

Ito ay upang gawing sustainable o tuloy-tuloy ang pagsasakatuparan ng mga nakamit sa usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) partikular sa pagtigil ng kaguluhan sa Mindanao at tuloy-tuloy na paghahatid ng mga proyekto.


Nababahala kasi ang mga Muslim leader na kung bumaba na sa puwesto ang pangulo ay mabalewala ang mga sinimulan nilang programa.

Nakiisa rin sa pagkilos ang mga lider ng Metro Manila Muslim Traders Association, Sultan sa Maguing, United Imam of the Philippines, Muslim Multi Sectoral Organization, at Ranao Charitable Society.

Facebook Comments