*Cauayan City, Isabela-* Isinubasta na ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan City ang mga na-impound na motorsiklo sa Lungsod.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Lorenzo Tuddao, Transportation and Regulations Officer ng LTO 02, layunin ng kanilang ginawang pagsubasta na mabawasan ang mga naka-impound na mga sasakyan sa kanilang tanggapan at upang hindi na rin tuluyang masira.
Nasa 85 units aniya ng motorsiklo ang kanilang naisubasta sa mga nanalong ‘bidders’ at kanyang nilinaw na mapupunta sa National Treasury Office ang kanilang nalikom na koleksyon.
Mabibigyan rin ng deed of sale ang mga nakabili ng motorsiklo at maaari nang ilipat at irehistro ang kanilang pangalan sa nabiling motorsiklo.
Kanyang ipinaliwanag na batay sa isang batas na pagkatapos ng anim na buwan mula nang mahuli o ma-impound ang isang sasakyan at kung hindi na tinubos ng may-ari ay iaalok na ito sa public bidding.
Kaugnay nito, naging matagumpay naman aniya ang kanilang ginawang bidding matapos itong dumugin ng mga tao dahil na rin anya sa kanilang pagpapakalat ng impormasyon sa social media.
Hinihikayat naman ni Ginoong Tuddao ang mga gumagamit ng motorsiklo na dapat irehistro ang mga minamanehong motorsiklo at siguruhin din na mayroong lisensya upang hindi mahuli ng LTO. .