Winasak sa pangunguna ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. General Bartolome Vicente Bacarro ang mga nabawing armas mula sa mga rebelde sa headquarters ng 6th Infantry Division ng Philippine Army (PA) sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Kabilang dito ang 307 assorted firearms at mga kagamitang nasabat, nakumpiska, isinuko at narekober ng 6ID sa Central Mindanao mula Enero hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Gen. Bacarro, bahagi ito ng demilitarization kung saan ang mga lumang armas na wala nang pakinabang ay ginagawang scrap metal upang masiguro na hindi na magagamit pa ang mga piyesa nito.
Sinabi pa ni Bacarro na mahalagang kontribusyon ito tungo sa isang mapayapang lipunan.
Paliwanag pa ng heneral, ang hakbang ay bahagi rin ng gun control measures ng AFP upang masiguro na hindi mapapasakamay ng mga masasamang loob o mga kriminal ang nabanggit na mga armas.