Inirekomenda ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa gobyerno na palitan ang mga nabiling plastic barriers matapos na desisyunan ng Joint Task Force COVID Shield na hindi na obligadong maglagay ng harang sa mga motor ang mga magkakasama sa iisang tahanan.
Sinabi ni Garbin na dahil wala nang pakinabang ang mga ito sa mga motorista ay hiniling nito na dapat i-acquire mismo ng pamahalaan ang mga nabiling barriers upang mabawi naman ang halagang pinambili dito ng mga riders.
Ilan sa mga opsyon na binigay ng kongresista sa gobyerno ay maaaring papalitan ng groceries sa DTI Diskwento Caravan ang plastic barrier.
Ang halaga ng groceries na ipapalit ay dapat katumbas din sa halaga ng biniling plastic barrier.
Maaari din aniyang gawin na “in-kind” payment ang plastic barrier kapalit ng mga bayarin o multa ng mga motorista sa LTO, LTFRB at MMDA.
Ang mga maiipong barriers ay pwedeng i-convert na personal defense shield ng mga barangay tanod at mga pulis o kaya naman ay maaari din itong i-convert na stretchers na magagamit para sa medical emergencies.
Samantala, umapela rin si Garbin sa Inter-Agency Task Force (IATF) na tuluyang ibasura ang nasabing direktiba upang hindi na maibalik ang paggamit ng barriers.
Giit nito, ang pagsusuot ng full-face helmets at medical grade na face mask ay sapat na para maprotektahan ang mga riders at pasahero nito sa sakit na COVID-19.