San Fernando, La Union – Tinawag ng Department of Health Region 1 na fake news ang mga kumakalat na ulat hinggil umano sa gamot kontra COVID-19. Ilan dito ay ang pag-mumog umano ng maligamgam na tubig na may asin, pagkain ng sibuyas, at pag-inom ng virgin coconut oil.
Nilinaw ni Dr. Rhuel Bobis, ang DOH Region 1 Focal Person on COVID-19, na wala pang pag-aaral ukol sa mga nabanggit na paraan pang-kontra covid19 na mag-sasabing ito ay may bisa at epektibo. Kaya naman binigyang diin ni Bobis na hindi ito inirerekominda ng kagawaran bilang solusyon para gumaling ang isang may covid19.
Matatandaan isa ang virgin coconut oil sa tinitignan ngayon ng ilang dalubhasa sa siyensya na maaaring maging gamot sa covid19, ngunit ito ay dadaan pa sa masusing pag-aaral at clinical test para sa validation kung ito ay epektibo o hindi.
Sa ngayon, payo ng mga health experts na sundin ang health protocols na itinakda ng IATF tulad ng palagiang pag-susuot ng facemask kung lalabas, physical distancing na 1.5 meters, pag-huhugas ng kamay at iba pang personal hygiene, at pagpapalakas ng resistensiya ngayong wala pang lunas sa COVID19.