Patuloy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kampanya kontra terorismo at sa paghihikayat sa mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan.
Kaugnay nito, bilang pagsuporta at pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangangailangan ng mga kababayang nagbalik-loob sa pamahalaan, inilunsad ni Gov. Doktora Helen Tan ang BALIKATAN Village o BAhay at LIngap sa mga KAbabayang Tumugon At Nagbalik-loob sa Pamalaan sa Brgy. Pamplona, Gen. Nakar, Quezon.
Pinasinayahan kamakailan ang BAYANIHAN Village sa humigit kumulang isang hektaryang lupain kung saan itatayo ito sa pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya at pribadong indibidwal.
Ayon sa Gobernadora, layon nitong mapatunayan sa mga kababayang nagbalik-loob na hindi sila nagkamali sa kanilang desisyon.
Naging katuwang sa paglulunsad ng naturang proyekto ang mga opisyales ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Labor and Employment, Armed Forces of the Philippines, Department of Interior and Local Government at ang lokal na pamahalaan ng Bayan ng General Nakar.
Samantala, taos puso naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo dahil sa pagkakaroon ng pagkakataon na magbago at maranasan ang mga tulong na handang ihatid ng pamahalaan, kabilang ang mga tulong pangkabuhayan, edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Kasabay ring naisagawa ang Groundbreaking para sa pagtatayo ng Halfway House Facility at ang paghahatid ng tulong pinansiyal mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).