Pinaalalahanan ng Department of Energy (DOE) ang mga nagbebenta ng liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene na sundin ang umiiral na price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa nararanasang El Niño phenomenon.
Ayon sa DOE, ang hindi paggalaw o price freeze sa mga presyo gaya ng nabanggit na produktong petrolyo ay may bisa ng 15 araw mula nang magdeklara ng state of calamity sa lugar.
Sa abiso ng ahensya epektibo ang price freeze sa Paglat, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Maguindanao dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Ito’y matapos magdeklara ang Paglat ng State of Calamity dulot ng nararanasang matinding tagtuyot sa nasabing lalawigan.
Ang deklarasyon ng price freeze ay tatagal hanggang April 18 base na rin sa ipinasa ng sangguniang bayan na Resolution No. 40 series of 2024.