
Pinagsabihan ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte si ACT Teachers Representative Antonio Tinio na huwag magpanggap na “champion ng transparency” kung pamumulitika lamang ang habol.
Bweltang pahayag ito ni Congressman Pulong makaraang sabihan ni Tinio na kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dapat managot kaugnay ng Manila Bay Dolomite Beach Project.
Ayon kay Congressman Duterte, ang bilis maghanap ni Tinio ng mananagot ngayon, pero noong tunay na ninakawan ang bayan ay tahimik ito.
Punto ni Duterte, ilang dekada na ang nagdaan at walang ni isang opisyal ng gobyerno ang nagbigay ng nararapat na pansin sa problema ng Manila Bay, at tila sinanay na lamang ang publiko sa dumi at mga basurang lumulutang dito.
Pagmamalaki ni Duterte, may ginawa ang isang Pangulong taga-Mindanao para mapakinabangan ang Manila Bay, kung saan marami ang nasiyahan at sa wakas ay nalinis ito. Ngunit dahil sa pulitika, pilit umano itong ginagawan ng isyu.
Diin ni Representative Pulong, walang problema na mapanagot ang lahat kung may kasalanan, kahit pa kasama si FPRRD dahil proyekto niya ito. Ngunit tanong niya, bakit tila pipi ang iba sa pagpapanagot sa mga pumirma sa pinaka-corrupt na budget noong 2023 hanggang 2025.









