Iginiit ni Senator Grace Poe na dapat tulungan sa halip na itaboy ang mga naghahanap ng trabaho na hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Diin ni Poe, ang pagbibigay proteksyon sa kalusugan at kapakanan ng mamamayan ay dapat makaabot sa lahat maging sa mga naghahanap ng trabaho ngunit hindi pa bakunado.
Kaugnay nito ay pinaglalatag ni Poe ang gobyerno ng mga akmang mekanismo para maging mas maayos ang koordinasyon sa pagitan ng mga kumpanya at mga lokal na pamahalaan upang mabigyan ng libreng bakuna ang mga job applicants.
Ayon kay Poe, sa ating kampanya sa pagbabakuna, ay kailangang maging masigasig ang pamahalaan upang makatawid tayo mula sa mga maling impormasyon tungo sa katotohanan, sa takot tungo sa pananampalataya at sa pangamba patungo sa tiwala.
Sinabi pa ni Poe na ang pagbibigay ng bakuna at trabaho sa ating mga kababayan ay saligan ng pagliligtas ng buhay at kabuhayang kinakailangan natin sa pagbangon mula sa hagupit ng pandemya.