Mga nagkalat na tarpaulin na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDF na persona non grata sa Metro Manila, pinabaklas ni Manila Mayor Isko Moreno; PNP, itinangging galing sa kanila ang mga ito

Ipinag-utos na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagbaklas sa lahat ng naka-kabit na mga tarpaulin na nagdedeklara sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Army bilang persona non grata sa Metro Manila.

Ang direktiba ay inilabas kagabi ng alkalde matapos na makita ang mga tarpaulin sa footbridge malapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard.

Panawagan ni Moreno sa publiko, imbes na galit, pagmamahal sa kapwa Pilipino ang ipalaganap natin lalo na ngayong may pandemya.


Nabatid na nakalagay sa tarpulin na terorista ang CPP-NPA-NDF, persona non grata sa Metro Manila at ipagbigay alam sa PNP-NCRPO hotline.

Nakalagay rin sa tarpaulin ang logo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Philippine National Police.

Sa interview ng RMN Manila kay PNP Spokesperson Police Colonel Ysmael Yu, itinanggi nito na may kinalaman ang PNP sa paglalagay ng nasabing tarpaulins.

Ayon kay Yu, ang nasabing hakbang ay posibleng pagpapakita ng pakikipagtulungan ng publiko na labanan ang communist insurgency sa bansa.

Sa kabila nito, binigyan diin ng opisyal na ang mandato ng PNP na sumunod sa itinatakda ng batas at protektahan ang taongbayan.

Facebook Comments