Pinalawak ng Special Task Force (STF) Degamo ang kanilang imbestigasyon sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, isinama na rin nila sa imbestigasyon ang mga taong nagkanlong at nagbigay ng suporta sa 10 suspek na nasa kustodiya na ngayon ng pamahalaan.
Paliwanag ni Fajardo, aalamin ng Special Task Force kung paano nakalabas ng lalawigan ang mga suspek at kung sino ang tumulong sa pagtatago ng mga ito.
Ani Fajardo, kasama sa mga kakasuhan ang mga nagkanlong sa mga suspek.
Kahapon, sinabi ni STF Vice Chairman Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na malaking conspiracy ang nasa likod ng pagpatay sa gobernador na nangailangan ng mahabang panahon ng pagpaplano at logistics support.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng gobyerno ang 10 mga suspek kung saan nasa 5 hanggang 6 na indibidwal pa ang kanilang tinutugis.