MGA NAGPAPABAKUNA NG ANTIRABIES, DAGSA SA CAUAYAN DISTRICT HOSPITAL

Cauayan City, Isabela- Alas syete y medya pa lamang ng umaga ay dagsa na ang mga gustong magpabakuna ng anti-rabies vaccine sa Cauayan District Hospital, ng District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa inisyal na impormasyong nakuha ng iFM Cauayan, bagamat dagsaan ang mga nagpapabakuna ng anti rabies ay bumaba pa rin ito kumpara sa mga nakalipas na buwan.

Nasa 80 katao na lamang kada batch ang pumupunta ngayon sa nasabing ospital kumpara sa 50 na katao kada araw nitong mga nakalipas na buwan.

Karamihan sa mga nagpapabakuna ngayon ng anti rabies vaccine ay mga nasa hustong gulang na habang ang iba naman ay mga bata na sinasamahan ng kanilang mga magulang.

Ilan din sa mga pasyente ay pang huling dose na ng kanilang anti rabies vaccine habang naman ay mga bagong pasyente.

Apat na dose ng shots ang itinuturok sa mga pasyente at meron naman silang kanya-kanyang schedule para sa kanilang pangalawa, pangatlo at pang-apat na shots.

Mayroon namang babayaran na P150 ang kada pasyente na nakagat ng aso at pusa para sa gamot at supply na ginagamit ng ospital. Sapat pa naman umano ang Anti Rabies vaccine ng Cauayan District Hospital na galing sa Department of Health (DOH) at mabilis din ang pagtransport ng Isabela Provincial Health Office (IPHO).

Tuwing araw na lamang ng Miyerkules at Biyernes mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ang schedule ng Animal Bite treatment sa Cauayan District Hospital.

Facebook Comments