MGA NAGPAPAREHISTRO SA COMELEC CAUAYAN, DAGSAAN

Cauayan City, Isabela- Dagsaan ngayon ang mga indibidwal na nagpaparehistro sa tanggapan ng Commission on Elections o COMELEC dito sa Lungsod ng Cauayan para sa nalalapit na Barangay at SK Elections sa Disyembre 2022.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Roy Barangan, Election Assistant II ng COMELEC Cauayan City, sa unang araw pa lamang ng voters registration ay umabot na sa mahigit isang daang katao ang matagumpay na nakapagrehistro kung saan karamihan sa mga ito ay mga regular voters o yung mga nasa labing walong taong gulang pataas na sinusundan naman ng mga bagong botanteng kabataan na nasa edad 15 hanggang tatlumpung taong gulang.

Bukod sa voters registration sa COMELEC, maaari ring magpa update ng status, magtatama ng mga detalye at impormasyon, magpa-reactivate, at transfer of registration records kapag galing sa ibang lugar.

Paalala lamang sa mga magpaparehistro ngayon sa COMELEC na magdala ng Valid ID, ball pen at hand sanitizer.

Ayon pa kay Mr. Barangan, marami ang inaasahang magpaparehistro dahil marami rin ang mga hindi nakahabol noong nakaraang voter’s registration.

Bukas ang tanggapan ng COMELEC Cauayan mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon mula sa araw ng Lunes hanggang Sabado.

Matatapos naman ang Barangay at SK Voters Registration sa July 23, 2022.

Samantala, maglalatag ng Satellite Office ang COMELEC Cauayan sa Barangay Hall ng San Fermin sa Sabado para ilapit ang kanilang serbisyo sa mga Cauayeñong pasok sa edad ng mga dapat na magparehistro upang sa ganon ay mas mapabilis at mas marami pa ang matulungang mairehistro sa COMELEC.

Facebook Comments