Mga nagpapautang ng 5-6, binantaang papatayin ni PRRD

Nagbanta ang Pangulong Rodrigo Duterte na papatayin niya ang mga nagpapautang ng 5-6 na isa sa dahilan kung bakit lalong naghihirap ang mga Pilipino.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa Ground Breaking Gen. Gregorio del Pilar National High School sa Bulakan, Bulacan sinabi nito na nais na niyang itigil ang sistema ng pagpapautang at kung hindi daw ito mahihinto, ay may iba siyang paraan na gagawin.

Una nang pinahinto ng Pangulo ang nasabing uri ng pagpapautang sa Davao City dahil lalo daw nababaon ang mga Pinoy sa utang.


Matatandaan na noong 2016 ay iniutos ng Pangulo ang kampanya laban sa 5-6 at binalaan ang mga dayuhan na huwag pumasok sa nasabing negosyo kundi ay ipapaaresto at ipapa-deport sila.

Bukod dito, nagkaroon na din programa ang gobyerno na “Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso” para matigil na ang 5-6 kung saan maaaring makautang ng pera ang mga mahihirap at ang interes lamang nito ay nasa 2.5 percent kada buwan.

Facebook Comments