Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga nagpunta sa vaccination sites sa Maynila, Las Piñas, at Antipolo nitong Huwebes na mag-isolate at obserbahan ang sarili para sa ano mang sintomas ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, lubhang mapanganib ang pagdagsa ng napakaraming gustong magpabakuna sa tatlong nabanggit na lugar.
Aniya, kung may hawahan ay karaniwang dalawa o limang araw bago makita ang sintomas, pero mas mabuti nang maging maagap.
Posible rin aniyang asymptomatic o walang nararamdaman pero pwede pa ring makapanghawa ang mga pumunta sakaling positibo ang mga ito sa virus.
Aminado naman si Vergeire na sa ganitong sitasyon ay malaking hamon sa mga Local Government Unit (LGU) na magsagawa ng contact tracing sakaling magkaroon ng hawahan.