Mga nagsusulong sa muling pagbuhay sa Oil Price Stabilization Fund, pinaghihinay ng DOE

Pinaghihinay ng Department of Energy (DOE) ang mga nagsusulong na maibalik ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) sa gitna ng mataas na presyo ng langis.

Matatandaang ilang mambabatas ang kinukumbinsi ngayon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na buhaying muli ang OPSF, ang programang itinatag sa ilalim ng administrasyon ng kanyang ama, bilang tugon sa mataas na oil prices sa halip na suspendihin ang fuel excise tax.

Giit ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, dapat munang tantyahin ng gobyerno kung kakayanin nitong mabigyan ng ayuda ang lahat ng mga tao.


Aniya, idinesenyo kasi ang OPSF “across the board,” na nangangahulugang walang pipiliin ang pamahalaan sa mga bibigyan nito ng fuel subsidy.

“Ang kwestiyon naman d’yan is kakayanin ba? Ang nabigay nga ng Congress sa 2022 budget is only ₱2.5 [billion] para sa Pantawid Pasada. ‘Yan ay dumaan pa sa grabeng negosasyon including sa DBM and DOF, pano nakuha yang pera. Yan ay limitado pa dun sa transport sector, e kung isama natin ang buong citizen, lahat ng mga motorista ng buong Pilipinas ‘across the board’, hindi ko alam, hindi pa natin na-compute yan, magkano na ang kakailanganin. Kailangan maging praktikal tayo,” giit ni Abad sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.

Samantala, una nang sinabi ng Philippine Institute For Development Studies (PIDS) na “anti-poor” ang Oil Price Stabilization Fund.

Paliwanag ng state think tank, higit kasing makikinabang dito ang mga mayayaman na siyang kumukonsumo ng mas mataas na volume ng petrolyo.

Facebook Comments