Inihirit ni Senador Imee Marcos sa Professional Regulation Commission o PRC na bigyan ng mga special exam ang mga nakapagtapos ng kursong edukasyon na hinarang na makakuha ng licensure exam ngayong Hunyo at sa Setyembre.
Diin ni Marcos, inaantala ang nililikhang trabaho at pagkakakitaan ng mga aspiranteng maging guro sa desisyon ng PRC na tanging ang mga degree holder lang noong 2020 o mas unang nakapagtapos bago ang 2020 ang pakukunin nila ng eksaminasyon.
Ayon kay Marcos, nangyari ito dahil hindi pinakinggan ang kaniyang panawagan para sa isang ‘online version’ ng Licensure Examinations for Professional Teachers o LEPT lampas isang taon na ang nakararaan.
Mungkahi ni Marcos sa PRC, gawing template o tularan ng Licensure Examinations for Professional Teachers ang Career Executive Service Board at iba pang mga professional regulatory board na nagsasagawa na ng mga online exam.
Babala ni Marcos, mas lalala lang ang mga backlog ng examinees kung hindi maisasagawa ang mga special exam sa taong ito at kung hindi pa nakakasa ang mga online na bersyon ng LEPT para sa mga magsisipagtapos sa 2023.