Cauayan City, Isabela- Lalong nadagdagan ang mga nahuhuling motorista na lumalabag sa batas trapiko at mga sumusunod na rin dito.
Ito ang ibinahagi ni Police Staff Sergeant Mark Valentin Rodriguez na nakatalaga sa checkpoint ng PNP Cauayan City sa pambansang lansangan sa bahagi ng Brgy Tagaran, Cauayan City, Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, dahil sa maigting na pagpapatupad sa ‘Project lovelife’ ay nababantayan ang mga motorista lalo na sa mga bumabaybay na walang lisensya at walang helmet.
Ibinahagi nito na simula nang maipatupad ang project lovelife ay marami ang kanilang nahuhuli at nabibigyan ng ticket habang dumami rin ang mga nagsusuot ng kanilang helmet.
Karamihan aniya sa kanilang mga nahuhuli sa checkpoint ay mga menor de edad at ipinapasakamay nila ang mga ito sa DSWD.
Kaugnay nito, mahigpit rin aniya ang kanilang pagbabantay sa checkpoint upang matiyak na walang makakapasok na baboy o produkto ng baboy sa Lungsod ng Cauayan kaugnay pa rin sa African Swine Fever (ASF).