Sumampa na sa 26,616 ang mga nahuling lumalabag sa motorcycle backriding policy mula nang payagan nang magka-angkas ang mga magkasama sa bahay na walang barrier sa motorsiklo.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar at batay pa sa datos ng JTF COVID Shield, ang bilang ng mga lumabag ay mula August 19 hanggang September 9.
Sa loob ng 22 araw na ipinairal ang bagong alituntunin, 11,032 ang mga nahuling motorsiklo na walang barrier na hindi magkasama sa bahay ang magka-angkas.
Habang 8,861 naman ang nahuli dahil sa hindi paggamit ng tamang health gear na full-face helmet at face mask ng mga sakay ng motorsiklo.
Umaabot naman sa 2,596 ang nahuling motorsiklo na may barrier nga pero hindi naman Authorized Person Outside of Residence (APOR) ang sakay.
2,041 naman ang nahuling gumagamit ng hindi otorisadong barrier.
Sa kabuuang bilang ng mga nahuli, 23,150 ang binigyan ng citation, habang 3,466 ang tuluyang binitbit sa police station.