Mahigit 22.2 million SIM cards ang nai-rehistro na, tatlong linggo makaraang simulan ang mandatory registration period, ayon sa National Telecommunications Commission.
Sinabi ni NTC Officer-in-Charge Commissioner Ella Blanca Lopez, umabot na sa 22,298,090 ang SIM card registrants, as of Jan. 18, o katumbas ng 13.20% ng kabuuang 168 million active SIM subscribers sa bansa.
Sa 22.2 million, ang Smart Communications INC. ang may pinakamalaking bilang ng registrants na mahigit 11.1 million, sumunod ang Globe Telecommunications na may mahigit 9.3 million at DITO Telecommunications na may mahigit 1.8 million.
Samantala, sa pulong ng Inter-Agency Ad hoc Comittee for Facilitation of SIM Registration in Remote Areas, iprinisinta ng NTC sa member agencies at telcos ang listahan ng mga lugar na tinukoy ng kanilang SIM Registration Act Task Force bilang remote.
Inihayag ni Lopez na kabuuang apatnapu’t limang remote areas ang tinukoy mula sa labinlimang rehiyon sa bansa.
Nagsimula ang mandatory SIM card registration noong Dec. 27, 2022, alinsunod sa Republic Act No. 11934 o SIM Registration Act.
Ang deadline naman sa pagpaparehistro ng SIM cards ay sa April 26, 2023.