Cauayan City, Isabela- Mahigpit ang ginagawang pagbabantay sa mga quarantine facilities ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na umuwi sa Lungsod ng Cauayan mula sa Metro Manila.
Una nang sumailalim at nagtapos sa 14-21days mandatory quarantine sa Metro Manila ang mga umuwing OFW’s at nagnegatibo na sa COVID-19.
Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, naka-quarantine ang ilang mga umuwing OFW sa left wing ng Isabela State University Cauayan Campus at tanging ang mga nagtatrabaho o mga may mahahalagang gagawin at transaksyon lamang ang pinapayagang makapasok sa loob.
Pansamantala din na pinagbabawalang pumasok ang mga bibisitang kaanak o pamilya at inaabisuhan na lamang na iwan sa gwardiya kung may ibibigay na pagkain o mahalagang bagay at iaabot na lamang ng sekyu sa quarantine area ng mga OFW.
Bago pa man naglabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte ay nakarating na sa Lungsod ang mga OFW.