Mga Nakakaramdam ng Sintomas ng COVID-19, Pinayuhan na Huwag Matakot Magpasuri

Cauayan City, Isabela- Pinapayuhan ang lahat ng mga nakakaramdam ng sakit o sintomas ng COVID-19 na huwag matakot magpasuri sa Duktor o makipag-ugnayan sa tanggapan ng City Health Office.

Sa naging pahayag ni City Mayor Bernard Dy sa kanyang public address, nakababahala na aniya ang patuloy na pagtaas ng positibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod at hindi na dapat magpatuloy pa.

Kanyang sinabi na kung makaramdam ng mga sintomas ng COVID-19 gaya ng sipon, ubo, lagnat o panginginig, diarrhea, hirap sa paghinga, sore throat, pagsusuka, biglaang pagkawala ng pang-amoy o panlasa, pananakit ng ulo, pananakit ng katawan, at pagkahapo ay huwag nang magdalawang isip na kumonsulta sa Doktor o magtungo at makipag-ugnayan sa City Health Office upang malaman kung may taglay ng nasabing virus.


Hindi na rin kasi aniya matiyak ngayon kung sino ang may dalang virus na delikadong maihawa sa mga taong mahihina ang immune system.

Kaugnay nito, kanyang pinaalalahanan ang bawat isa na sundin ang mga protocols para makaiwas sa virus lalo na kung magtutungo sa matataong lugar gaya ng palengke.

Magdadagdag na rin ng miyembro ng Public Order and Safety Unit (POSU) para magbantay sa mga taong hindi sumusunod sa pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing lalo na sa primark market.

Gayunman, hinihimok nito ang lahat na makiisa at makipagtulungan sa ipinatutupad na safety and health protocols dahil hindi aniya kakayanin ng mga pulis na bantayan ang lahat ng mga lalabag na indibidwal.

Sa kasalukuyan ay umabot sa 126 ang nahuli at nakasuhan sa Lungsod dahil sa paglabag sa RA 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.

Facebook Comments