Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Mangatarem ang pagbabawal sa pagdadala ng mga nakalalasing na inumin at armas sa loob ng mga sementeryo bilang paghahanda sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 3, 2025, ipinagbabawal ang pag-inom, pagbili, at pagbebenta ng alak sa loob at paligid ng mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bayan.
Kasama rin sa ipinagbabawal ang pagdadala ng mga patalim, baril, at iba pang mapanganib na sandata, pati na rin ang mga gamit sa sugal, mga madaling magliyab na materyales, at mga kagamitang nagdudulot ng labis na ingay gaya ng videoke at sound system.
Layunin ng hakbang na mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng mga dadalaw sa mga yumaong mahal sa buhay.
Hinimok naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga patakaran upang maiwasan ang anumang abala o kaguluhan sa panahon ng Undas.











