Mga nakarekober sa COVID-19 sa QC, nadagdagan pa

Nadagdagan pa ang mga pasyente na gumaling sa COVID-19 sa Quezon City.

Walo pang pasyente na may positive cases ang ganap nang nakarekober sa sakit.

Apat sa mga recovered patient ay mula sa pangangalaga ng HOPE-1 facility habang ang apat na iba pa ay mula sa Quezon City General Hospital.


Ayon kay QCGH Director Dr. Josephine Sabando, tatlo sa mga naka rekober na pasyente ay may katandaan na at may co-morbid disease.

Ang lahat ng pasyente ay nagnegatibo na sa COVID-19 pero pinayuhan sila na kailangan pa rin nilang obserbahan ang sarili sa loob ng 14-araw at magkaroon ng follow-up examination pagkatapos nito.

Nanawagan pa ang kinauukulan sa publiko na panatilihin ang tamang kalinisan sa katawan lalo na ang paghuhugas ng kamay, social distancing, at panatili sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Base sa datos ng QC government, nasa 500 na ang kaso ng COVID-19 sa Lungsod.

Mula noong April 4 hindi na nadagdagan ang mga namatay at nanatili na lamang sa kabuuang bilang na 34 habang abot na sa 14 ang naka rekober at gumaling.

Facebook Comments