Cauayan City, Isabela- Isinasapubliko na ng Cagayan Provincial Health Office ang pagkakakilanlan ni PH3668 na pinakahuling nagpositibo sa Coronavirus sa Lambak ng Cagayan para sa agarang pag-trace sa mga nakasalamuha nito.
Ayon kay Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer, si PH3668 ay si John Kenneth Tabian, 21 years old, lalake, health worker at residente ng Maggay Street, Ugac Sur, Tuguegarao City.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Cagayan Provincial Information Office, si Tabian ay kasama ng apat na iba pang bumyahe sa Kalakhang Maynila upang tumulong sa DOH Central Office.
Matapos manggaling ng Manila ay agarang sumailalim ang mga ito sa strict quarantine sa DOH RO2.
Nakaranas ng pag-ubo at pangangati ng lalamunan si Tabian habang naka-quarantine kaya sumailalim agad ito sa swab test.
Nagpositibo sa Covid-19 si Tabian batay sa resulta ng laboratory test nito na lumabas nitong Abril-07.
Ang hakbang na pagbunyag sa publiko ng pagkakakilalan ni PH3668 ay bilang pagtalima sa Executive Order 17 ni Gov. Manuel Mamba para mapabilis ang pagtukoy sa mga nakasalamuha ni Tabian at nang maisailalim ang mga ito sa 14-day strict mandatory quarantine.
Batay sa EO 17, inaatasan ang CVMC at mga pampubliko at pribadong ospital sa Cagayan na ibunyag sa Provincial Health Officer ang identity at medical record ng isang COVID-19 positive sa Cagayan.
Ang inilabas na EO ng Gobernador ay hakbang nito para mapangalagaan ang kapakanan ng publiko laban sa nakakamatay na Corona Virus Disease 2019.